ang pananalanta ni Cosme

kahapon ng umaga, habang nanonood ako ng programang "Umagang Kay Ganda", hindi ko maiwasang magdalamhati sa balita tungkol sa pananalasa ng bagyong Cosme sa aking bayang sinilangan, Lingayen, Pangasinan.

marami ang nasalanta ng nasabing bagyo.. maraming bahay ang nawasak.. maraming kabuhayan ang nasira.. maraming tao ang nagdurusa.. maraming pangarap ang gumuho.

Sabado ng gabi ay nakatanggap ako ng text message mula sa aking tiyuhin, si Uncle Pepe. ang sabi nya, sobrang lakas daw ng hangin at ulan. parang bibigay na ang kanilang bahay kubo kaya lumipat muna sila sa bahay namin (sa aming ancestral home). nagkataon naman na nasa Maynila ang aking mga kapatid at nanay kaya walang tao sa aming tahanan. sumilong sila doon nang magdamag.

Kinabukasan, nanlumo sila nang makitang wala na ang kanilang bahay kubo. nagiba ang buong bahay, lumubog sa putikan at sahig na kawayan na lang ang natira. naramdaman ko ang hapdi sa mensahe ni Uncle nang sabihan nyang wala na silang ibang mahihingan ng tulong. kaya't nagpasya kami ng aking nanay na doon na lamang sa aming bahay patirahin ang aming kamag-anak.

kinahapunan, lumakas uli ang ulan at ang ihip ng hangin. wala na ring koryente. halos lahat ng puno sa aming lugar ay nagsipagtumba na. at dahil sa lakas ng bagyo, pati ang yero ng aming bahay ay natanggal na.. maging ang kuntador ay tumilapon na rin sa kalsada. at ang aming palaisdaan ay umapaw ang mga isda.. nawala ang aming kabuhayan. naawa ako sa pamilya ng aking tiyuhin dahil ang bahay namin na sinilungan nila ay nawalan na rin ng bubungan.

nanlumo ako nang malaman ang nangyari sa Pangasinan. parang nanumbalik sa aking alaala ang nangyari noon, sampung taon na ang nakakaraan..

noong ako ay nasa kolehiyo pa at rumagasa ang bagyong Gading, kung saan nasira ang karamihan ng imprastraktura sa aming lugar, maging ang mahabang tulay na nagdu-dugtong sa aming barangay sa bayan ng Lingayen.. naranasan namin noon na tumira sa evacuation center at tiisin ang hirap dahil sa kawalan ng basic necessities..

ngayon ay parang naulit ang mga pangyayari sampung taon na ang nakakaraan. oo, wala ako at ang aking pamilya sa pangasinan ngayon nang manalanta si Cosme. kahit paano ay nagpapasalamat ako dahil kapiling ko ang aking pamilya at ang aking ina at nasa Maynila naman ang dalawa kong kapatid..

ngunit di pa rin mawala sa akin ang mag-alala para sa aking mga tiyuhin na iniwan namin sa aming bayan.. hindi man pisikal na naapektuhan ng bagyo, alam kong masama ang loob ni nanay dahil ang aming tirahan at kabuhayan ng pamilya namin ay nasira.. pero ang sabi sa kin ni Nanay, lahat ng nangyayari, may dahilan.pagsubok ni Lord ito..malalampasan din namin to..

hanga ako kay Nanay sa tatag nya at pananalig. never syang nagdoubt sa kakayahan ng Panginoon.. nahihiya man akong sabihin, pero hindi ako ganoon kalakas ang pananalig. hindi ako katulad ni nanay.. kaya naman, sa kanya ako humuhugot ng lakas ng loob sa mga ganitong pagkakataon. tama si Nanay, pasasaan ba't makakaraos din kaming muli mula sa nagdaang kalamidad..

Comments

Popular Posts