the Golden Girl - My mom...
napaka-thankful ko kay Lord dahil binigay Niya sa amin ang aking buthing ina. si Ginang Carmen - ang ilaw ng aming tahanan, ang anghel na nagtaguyod sa aming apat na magkakapatid, ang super-Lola nina Kyle & Kian, ang "doppelganger" o kadobol ni Alma Moreno, ang aming Tart 4ever, ang aming pinakamamahal kahit strikto siyang "nanay"...
masalimuot at masaya ang pinagdaanang buhay ni Nanay bago sya nag-asawa. si nanay ang bunsong anak nina Lolo Peding at Lola Pinay. Labingdalawa silang magkapatid. ang panganay nila ay babae, ang sumunod na sampu ay lalaki, at si Nanay ang bunsong babae. masipag si Lolo Peding at Lola Pinay di ba? hehehe.. laki sa hirap sina Nanay, pero busog sya sa alaga.. sampung mga barakong kuya ba naman ang magbantay sa kaniya, san ka pa? :)
noong kabataan ni Nanay, nilalakad nya at ng kanyang mga kapatid na lalaki ang paaralan na may layong dalawa't kalahating kilometro mula sa aming bahay para lang makapasok sa eskwela. kahit puro kalyo na ang kaniyang mga paa ay di niya ito alintana, andun naman ang mga kuya nya na handa siyang buhatin sa likuran (piggyback) kung kinakailangan..
at dahil alaga siya ng todo, bantay-sarado ang mga manliligaw ni Nanay.. kung merong aakyat ng ligaw, kailangan muna nitong kausapin ang mga kuya ni Nanay bago siya kausapin ni Lola Pinay at sa huli ay i-entertain-nin ni Nanay. mahabang proseso bago sya makalapit sa nanay ko.
tandang-tanda ko pa yung kwento ni Lola Pinay noong nabubuhay pa sya. may nanligaw daw kay Nanay, isang pulis na ang ngalan ay Pepito. kaya lang, hindi pabor si Lola, kasi parang mayabang daw kasi yun. Minsang umakyat ng ligaw si Mamang Pulis, nagkataong wala ang mga kuya ni Nanay dahil nangisda sila sa ilog. Pagkakita ni Lola kay Mang Pepito, kinuha agad ni Lola yung banig nya mula sa kwarto nya at inilatag doon sa sala, sa mismong harapan nina Nanay at mang Pepito. sabi ng lola ko, "Sige, mag-usap lang kayo, inaantok lang ako kaya matutulog na ako, wag ninyo akong pansinin na nakahiga dito".
tawa ako ng tawa nung kinuwento ni Lola Pinay yun sa aming magkakapatid. nahihiya daw si Nanay sa ginawa ni Lola, pero wala syang nagawa kundi hayaang umuwi na lang si Mamang Pepito nang magpaalam ito. ganun kahigpit magbantay ni Lola kay Nanay, daig pa si Jaworski!
nang lubusang magdalaga si nanay ay madalas syang maimbitahan sa mga kapistahan at sumasali sa mga barangay beauty pageant. proud ako kay Nanay dahil sa angkin nyang ganda, kaya hindi ako nagtataka sa malaking litrato nya na naka-kwarda (frame) doon sa bahay namin, kung saan nakakuha sya ng first place at tinanghal na pinakamagandang Binibini sa Lingayen (circa 1977)..
kung paano nagkakilala sina nanay at tatay ay isang napakahabang kwento.. hindi ko muna isasalaysay dito sapagkat hindi ko alam kung saan at paano ko ito sisimulan. basta ang alam ko, magpahanggang ngayon, ang tawagan pa rin nila ni Tatay ay Lab. at tuwing tatawag ang tatay ko sa telepono (mula sa California), lagi ko sialng naririnig na nagsasabihan ng Ay Lab You, Lab ng makalimang ulit. (di sila makulit, noh?)
ang pagpapalaki sa amin ni Nanay ay medyo mahigpit. gawa nang sya lamang ang kasama namin sa araw-araw dahil ang aking ama ay kinailangang magtrabaho sa ibang bansa. ayon kay Nanay, magagalit si Tatay sa kanya kung hindi nya kami mapalaki ng maayos. ayon din sa kanya, lahat ng kilos at galaw namin ay sinusumbong nya kay Tatay kaya masasabi kong, lumaki ako sa takot at pangaral.
noong una, nagrebelde ako. tuwing hapon pagkatapos ng klase ay sasama ako sa mga ka-eskwela ko para makipaghuntahan. minsan pa nga, tinanong ako ng magulang ng kaklase ko kung bakit ayaw kong umuwi. sinabi ko na ayaw ko makita si Nanay kasi lagi nya akong binabantayan. nakakahiya mang aminin, pero humiling pa nga ako noon sa parents ng kaibigan ko na ampunin na lang nila ako. syempre, sinumbong ako ng kaibigan ko at nalaman ng nanay ko yun. iyak sya ng iyak, maghapon, magdamag. hindi nya ako kinausap sa loob ng dalawang araw. nagmatigas din ako noon.. pero na-realize ko na mali ako. kaya ako na ang nagkusang lumapit kay nanay at humingi ng tawad.
magmula noon ay mas lalo kong minahal si Nanay..
natatandaan pa rin ni Nanay yun. pero di na nya pinapaalala. minsan lang, pag nagkaka-kwentuhan kami at nagkakatuwaan, binibiro nya ako na ipapaampon nya ako. mapapangiti na lang ako at sasabihin ko sa kanya na ako na di na kailangan dahil wala nang tatanggap sa akin.
matanda na ang bunso kong kapatid (Jonas), graduating na ito sa college (nursing) sa susunod na taon, kaya isang taon na lang ay magbubuhay donya na si Nanay. yan ang pangako ng kapatid ko sa kanya - ang bigyan o patayuan ng mansion si Nanay - sa oras na maging certified/registered nurse na sya.
ang promise naman ni Weng (bunsong babae na magtatapos sa Abril ng ECE) kapag naging full-pledged and licenced Engineer na sya ay dadalhin nya si Nanay sa iba't-ibang bansa, unang-una na sa America para magkasama sila ni Tatay..
si Jean naman, ang kasunod kong kapatid na babae ay nangako na ibibi nya si Nanay ng paborito nitong libangan - isang entertainment showcase consisting of a flat-screen tv, with dvd player, component - habang naglalaro sya ng Bingo kasama ang kanyang mga tart-amiga (ang tawagan kasi nila ng 3 nyang bestfriiend ay Tart, di ba sweet?)
ako naman, natupad ko na ang pangako ko kay Nanay..well, sort of... actually, hiling ito ni Nanay sa akin noong ikasal ako - ang gawin syang lola.
tandang-tanda ko ang exact words ni Nanay nung nagspeech sya sa araw ng aking kasal. ang sabi nya:
Anak, Claire, tumatanda na ako, matanda na rin ang bunsong kapatid mo. Alam mo ba na namimiss ko na ang mag-alaga ng chikiting? Kaya naman hinihiling ko sa inyong dalawa ni Marc na bigyan ninyo agad ng apo, sa lalong madaling panahon. ayoko ng isang apo lang ha.. kung maaari ay bigyan ninyo ako ng anim na apo. mas marami, mas masaya. tingnan mo kaming magkakapatid, di ba labingdalawa kami? madalas nag-aaway, pero mahal namin ang isa't isa. kayo rin ni Marc, sanay magmahalan nang wagas at mabiyayaan ng mga makukulit na supling.
well, nabigyan ko na si Nanay ng dalawang apo.. apat na lang ang kulang! hehehe.
pasensya na nga pala, medyo naiiyak ako habang sinusulat ko ito.. pinapanood ko kasi yung dvd ng kasal ko kaya saktong mga salita ni Nanay ang nakasulat dito..
aba, ang haba na pala ng kwento ko.. paiikliin ko na..
Mahal kong Nanay, sana'y maging masaya ka sa kaarawan mo at handugan ka pa ni Lord na mas mahabang buhay.. sana, kahit na medyo makulit na ang dalawa mong apo, di ka magsasawa sa pag-aalaga sa knila. kahit na minsan nagseselos na ako kasi ikaw yung mas hinahanap nila kaysa sa akin, okay lang. alam ko naman na sila ang nagbibigay sa yo ng kasiyahan at nagpapangiti sa yo sa araw-araw.. I Love You Nay.. Happy Birthday! mwahhh...


Comments
Post a Comment