Semana Santa
Dito sa lalawigan ng Pampanga, marami kang makikita na mga taong nagpepenitensya..
Matatagpuan mo sila sa mga kapilya, simbahan, at kadalasan ay sa kalsada..
Hindi na bago sa aking paningin ang makakita ng mga kalalakihan na may pasang krus sa kanilang likuran.. inaamin ko, oo, noong una ay natakot ako sa mga ito.. Wala kasing ganitong klase ng pagpepenitensya nung ako ay nasa Pangasinan pa.. ang tawag dito ay Salibatbat..

makailang ulit na akong nakakakita ng mga taong nagpapasan ng krus... ang iba ay nagpapalaspas ng kahoy sa likod na duguan.. kapag may nadadaanan ako sa kalsada na nagsasalibatbat, napapangiwi ako at napapailing.. dahil parang nararamdaman ko mismo yung sakit na tumatama sa kanilang "gulot" or likuran..
Karaniwan na ang ganitong eksena dito sa Pampanga sa tuwing sumasapit ang Mahal na Araw.. kadalasan pa nga ay dinadayo ito ng mga Manilenyo at dinodukyumentaryo.. Kadalasan ay mga may edad na ang gumagawa ng mga panatang kagay ng pagpapasan ng krus.. sabi ng ilang matatanda, nakagawian na nila ito simula pa noong sila'y mga binata pa.. Ang iba naman ay parang minana na sa mga magulang ang ganitong pagpapasakit..
Nitong umaga lamang, sa kahabaan ng Mabalacat Highway ay madami akong nadaanang mga lalaki na nakadamit ng kulay pula (maroon) at may isinusuot na korona sa ulo.. yung isang lalaki, napaiyak sa sakit.. yung isa naman, nag-sign of the cross muna.. ngunit nabigla ako sa isa.. dahil kung titingnan ay parang dise-syete anyos pa lang yung bata.. oo, napakabata pa nya para magpenitensya.. hindi ko lubos-maisip kung bakit at paano napapayagan ng kanilang mga magulang na lumahok sa ganitong kaselan na pagpapanata... pero naisip ko rin na marahil ay kagustuhan talaga ito ng lalaki.. magkagayunman, ako ay nanatili sa aking kinauupuan at nag-usal ng munting panalangin na sana ay hindi mapahamak ang sinuman..
sabi ng aking kapitbahay (na kung tawagin namin ay si Sarge), likas na sa mga Kapampangan ang magpapako sa krus upang pagsisihan at pagbayaran ang kanilang mga kasalanan sa Diyos sa pamamagitan ng Salibatbat.. Merong iba na talagang nagpapa-pako sa krus tuwing Biyernes Santo.. sa ibang bayan naman ay mayroon paring ginaganap na Senakulo.. ang iba naman daw, nagsasakripisyo ng oras sa pamamagitan ng pagdadasal at pag-awit ng Pabasa.. Sa bawat kanto o eskinita ng Mabalacat at nakikita ko ang PABASA.. isang kaugaliang nagpapakita ng pananalig ng mga Pilipino..
Hindi ko lamang lubos maisip kung bakit ang karamihan ng mga lalaki na nagsasalibatbat ay nagtatakip ng mukha habang nasa kalsada.. Ito ba ay dahil nahihiya sila? pero bakit? hindi naman nakakahiya ang pagpapakasakit, hindi ba? Siguro nga ay nahihiya ang iba dahil pagkatapos ng Quaresma, ang ilan sa kanila ay babalik sa kanilang dating "lifestyle" na mag-iinuman at magsusugal o mananakit ng kapwa.. kung ganoon nga ang mangyayari, hindi "worth it" ang kanilang pagpapakumbaba...
Hindi ko kinokondena ang ganitong tradisyon sa Pilipinas.. Ang totoo ay pinupuri ko ang lahat ng taong kayang gumawa ng panata at magpenitensya at magsakripisyo upang mapagbayaran ang mga kasalanan.. Ngunit kung ako ang tatanungin, maari rin naman nating ipakita sa Diyos ang ating pananalig sa Kanya at ang ating taos-pusong pagsisisi sa pamamagitan ng pagdadasal at pag-aalay sa misa.. ang simpleng gawaing Samaritano gaya ng pagtulong sa kapwa ay isang paraan upang maipakita natin sa Panginoon na kaya nating magpakatao at sundan ang Kanyang mga Utos.. Ang pag-aalay ng ating sarili kay Hesus ay isang panata na tiyak na kalulugudan ng Maykapal..
Naway magkaroon tayong lahat ng Inner Peace at maluwalhating pagdiriwang ng Mahal na Araw..
PS.
nais kong iparating ang aking taos-pusong pasasalamat kay AOLTechTFB para sa mga litrato sa taas.. Terrence, maraming maraming salamat :)



Comments
Post a Comment