Halika, Usap Tayo..

heto sana yung i-se-send kong entry para sa Wika2007 ng Pinoy BlogoSphere. sayang nga lang dahil di ko na naihabol.. naging abala kasi ako sa trabaho..

magkagayunman, nais kong ibahagi sa inyo ang aking munting nakayanan, bilang pagpupugay sa "Maraming Wika, Matatag na Bansa"..



Halika, Usap Tayo..

isang araw ng Miyerkules, ala-una ng hapon.. naisipan kong umuwi ng mas maaga kaysa sa nakagawian ko, upang tapusin ang ilang mga dokumento at para makapamili ng pang-handa sa kaarawan ng aking pinsan.

pagkalabas ko ng opisina, sumakay ako sa "service vehicle" namin.. nakasabay ko ang mga gwardiya namin, gayundin ang mga "Maintenance" at mga tauhan sa aming kantina.. ako lang ang naiba sa kanila.. pero malugod nila akong pinasabay sa kanilang sasakyan..

pag-andar ng sasakyan ay nagsimula na kaming naghuntahan. narinig ko ang usapan ng mga maintenance staff at mga sekyu na nasa kanang bahagi ng kinauupuan ko..

"Atin kang obra qeng Sabado?"
"Wa, atin.. ika?"
"Ala ku.. Meg-Leave ko.. Birthday ng kapatad ku.."


malumanay naman ang usapan sa bandang harapan ng sasakyan, dahil nag-uusap ang tsuper namin at ang isa pang babaeng sekyu.. naulinigan ko na bago pa lang na empleyado ang babaeng sekyu at natuwa ang drayber namin na malaman na ilocano ito, gaya nya..

"Ading, anya ti nagan mo?"
"Maribel, manong..."
"Ada ti kamag-anak mo idyay?"
"Wen manong.."


sa may dakong likuran naman, seryoso namang nag-uusap ang tatlong "canteener"...

"Aysus, agi.. anapen to ak nen kumander ko kalabyan.. aga ak nanpatanir kasi.."
"Akin ey? Nakar mo lamet siren ah?"
"Diman ed Paren Rolly.. walay nakar mi"
"nan-beerhouse kayo siguro..."
"Andi..nanbantay kami na liga ed basil ya baryo.. aga ak akapan-text ed si misis..."


noon ko lamang napagtanto na ang taong kasabay ko ay nagmula pala sa ibat-ibang lugar o probinsya.. mayroon galing sa Pangasinan, La Union, Tarlac, Batangas at meron din syempreng galing ng Pampanga.. ang ilan sa kanila ay nagsasalita ng Pampango.. ang nakakatuwa doon ay naintindihan ko silang lahat kahit na magkaka-iba ang wika nila..

oo, natuwa ako para sa sarili ko dahil may nalalaman akong ibang salita liban sa Tagalog at Pangasinan.. namangha ako at parang gusto kong buhatin ang aking sariling bangko sa aking natuklasan.. na marunong ako ng maraming wika..

marahil ay isa ako sa mga maswerteng nabibiyayaan ng "gift of tongue"... dahil dito ay lalong lumalawak ang aking kaalaman sa iba't-ibang kultura ng ating bansa.. sa pamamagitan ng mga wikang ito naipapamahagi natin ang ating mga paniniwala sa mga taong ating nakakahalubilo..

nais ko sanang hilingin na pahalagahan natin hindi lamang ang kanya-kanyang diyalekto, ngunit sana's ganun din sa mga wika ng iba.. mapa-ilokano ka man, Bisaya, Maranao o simpleng katoto sa maynila, ipakita natin sa munod na matingkad o makulay ang ating kultura at marunong tayong respetuhin ang paniniwala, tradisyon at salita ng kapwa natin upang mapabuti ang relasyon natin sa lahat ng tao sa buong Pilipinas..

kaya kaibigan.. samahan mo ako sa aking pagmumuni-muni..

halika.. usap tayo..

Comments

Popular Posts